ZOREN LEGASPI, MAY 4 NA TIN; LALONG NADIIN SA BIR

Isa pang paglabag sa batas ang nabunyag sa isinagawang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sa P4.45-milyong tax evasion case ng aktor na si Zoren Legaspi.

Ito’y matapos sabihin ng accountant na si Flora Capili sa mga kinatawan ng Bureau of Internal Revenue ang pagkakaroon ng kanyang kliyente ng apat na tax identification number o TIN.

Dahil dito, sinabi ng kinatawan ng BIR na si Atty. Emmanuel Ferrer na isang paglabag sa batas ang pagkakaroon ng maraming TIN.

Pero, ipinaalis ni Assistant State Prosecutor Stewart Allan Mariano sa record ng hearing ang pahayag ni Capili dahil may Supreme Court ruling na dapat ay may kinatawang abogado si Legaspi.

Pinayuhan na lang ni Prosecutor Mariano ang accountant na talakayin ang TIN issue sa isusumiteng counter affidavit ni Legaspi sa susunod na pagdinig sa Hunyo 6, alas-10:00 ng umaga.

Sa panayam ng Radyo Patrol, sinabi ni Atty. Ferrer na pananagutan ng taxpayer ang paglabag sa batas kaugnay sa pagkakaroon ng apat na TIN.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Entertainment/Zoren_Legaspi%2C_lalong_nadiin_sa_tax_evasion_case.html

May 29, 2014 @ 04:32 PM