YOLANDA, NAG-LANDFALL SA IKA-ANIM AT HULING PAGKAKATAON SA BUSUANGA, PALAWAN – PAGASA

Sa ika-anim at huling pagkakataon, tumama sa kalupaan ng Pilipinas si super typhoon Yolanda (international name Haiyan) na sinasabing pinakamalakas na bagyong tumama sa kalupaan ngayong taon.

Ayon sa PAGASA, bandang alas-8:00 Biyernes ng gabi nang tumama ang mata ng bagyo sa Busuanga, Palawan matapos baybayin ang Sulu Sea.

Unang beses itong nag-landfall sa Guiuan, Eastern Samar alas-4:40 ng umaga at ikalawang beses naman sa Tolosa, Leyte bandang alas-7:00 ng umaga.

Ang ikatlong pagtama nito sa kalupaan ay naitala alas-9:40 ng umaga sa Daanbantayan, Cebu na nasundan sa ika-apat na beses alas-10:45 ng umaga sa Bantayan Island.

Ang ikalimang beses naman nitong pagtama sa kalupaan ay naitala sa Concepcion, Iloilo bandang alas-12:00 ng tanghali.

Sa panayam ng DZMM kay PAGASA weather forecaster Aldczar Aurelio, kapag nagpatuloy ang bilis at direksyong tinatahak ni Yolanda, lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Sabado ng umaga bandang alas 10:00.

“Magsisimulang bumuti ang panahon sa mga lugar na naapektuhan ni Yolanda bukas ng hapon,” sabi ni Aldczar.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

November 9, 2013 @ 02:10 AM