X-FACTOR ISRAEL ROSE ‘OSANG’ FOSTANES, PINAGBABAYAD NG BUWIS NG BIR

Pinagbabayad ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang singing caregiver na si Rose “Osang” Fostanes mula sa cash prize niya sa pagkapanalo sa singing contest.

Ayon kay BIR Comissioner Kim Henares, ito ay dahil residente pa rin si Fostanes sa Pilipinas.

“Ang batas ng Pilipinas katulad sa Amerika like you’re a Filipino citizen. ‘Di naman siya nag-apply ng residence sa Israel,” ani Henares.

Bilang isang caregiver, exempted sa pagbabayad ng buwis si Fostanes kung siya ay rehistrado sa Overseas Worker Welfare Administration (OWWA).

Pero ang ipinanalo niya, labas sa kanyang kontrata bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Israel.

Mahigit 30-porsyento ang income tax sa kikitain ni Fostanes.

Pero ayon sa BIR, kung babayaran ito ng X Factor winner sa Israel, sisingilin lang siya rito kung may kulang pa sa porsyento ng kanyang ibinayad na buwis.

“Pero may treaty tayo sa Israel baka sapat na ang buwis at hindi na siya kailangang i-tax pero kailangan ideklara niya na total income niya and ‘yung binayad niya sa Israel dapat may official documents,” sabi ni Henares.

Dapat din aniyang ayusin ni Fostanes ang mga dokumento para hindi magaya sa naging problema ni People’s Champ Manny Pacquiao.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Entertainment

January 21, 2014 @ 10:44 AM