WRIT of KALIKASAN ITINUTULAK SA KORTE SUPREMA

Inihirit kahapon ng grupo ng mga commuter at kabataan sa  Korte Suprema na iutos sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng sangay ng ehekutibo na bawasan ng 50 porsiyento ang konsumo  ng krudo, sa halip ay magbisikleta, maglakad o kaya’y sumakay na lamang sa   public transportation.

Sa  pamamagitan ng Writ of Kalikasan at Writ of Continuing Mandamus na inihain ng mga kinatawan ng Carless People of the Philippines at Children of the Philippines and Children of the Future, iginiit nila na dapat bigyang halaga ang hakbang na   mabawasan ang polusyon sa hangin.

Iginiit ng mga petitioner na ang pagbabawas sa konsumo ng krudo ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno mula sa Tanggapan ng Pangulo ay dapat na nasimulan na noon pang Enero  2010 o dalawang taon mula nang maipasa ang Exe­cutive Order 774 (Re­organizing the Presidential Task Force on Climate Change)  at Administrative Order 254 na nag-aatas sa Department of Transportation and Communication (DOTC) na bumuo ng polisiya para gawing environmentally-sustainable o na­aayon sa kalikasan ang mga lansangan sa bansa.

Nais din ng mga petitioner na atasan ng Korte Suprema ang DOTC, Department of Public  Works and Highways (DPWH)  at Department of Interior and Local Government   (DILG) na agad ipatupad ang Road Sharing Principle sa lahat ng mga kalsada sa Pilipinas.

Sa ilalim ng road sharing­ principle, ilalaan ang kalahati ng mga kalsada para sa sidewalk at bicycle lane alinsunod sa Section 12 ng EO 774, habang kalahati naman ay para sa mga mo­torized vehicle.

Tinukoy ng mga petitioner na batay sa pag-aaral ng Organization for Economic Cooperation and Dev’t, 23% ng carbon dioxide emissions ay galing sa mga motor vehicles na nagpapalala naman sa polusyon sa hangin at climate change.

Pero ang problema, sa kabila umano ng mga naipasang batas sa bansa gaya ng EO 774 na nagtatakda ng road sharing principle, AO 254 at Republic Act 9729 na tumututok sa pagtugon ng gobyerno sa problema ng Climate Change, hindi naman ito naipatutupad.

Dahil sa kawalan ng aksyon ng gobyerno, nalalabag ang pangunahing karapatan ng mamamayan gaya ng rights to health, to equal protection of the laws at right to a balanced and healthful ecology.

Pinangalanang res­pondent sa petisyon ang Climate Change Commission, DOTC, DPWH, Road Board, DILG, Dept. of Environment and Na­tural Resources, Department of Budget and Ma­nagement  at Metro Manila Development Authority.

 

NEWS ARTICLE FROM: http://www.philstar.com/bansa

February 18, 2014 @ 10:08 AM