WHISTLEBLOWERS SA PORK BARREL SCAM, HANDANG HARAPIN SI SENADOR BONG REVILLA

Hamon at pagdududa ang tugon ng kampo ng whistleblowers kay Senador Bong Revilla matapos nitong itanggi ang pagkakadawit sa multi-bilyong pork barrel scam.

Sa panayam ng DZMM kay Levito Baligod, legal counsel ng mga whistleblower sa scam, sinabi nitong hindi sila kumbinsido sa laman ng privilege speech ng senador.

Giit ng abogado, hindi naipaliwanag ni Revilla ang tunay na isyu – ang usapin sa kanyang P1 bilyong pork barrel at kung napunta ito sa mga bogus na non-government organizations (NGOs).

Naniniwala si Baligod na kung kinausap talaga ni Revilla ang mga opisyal ng foundation na pinagdaluyan ng pork barrel nito, malalaman niyang bogus ang mga ito at nasa ilalim ni Janet Napoles.

Imposible anyang hindi alam ni Revilla na napunta sa bogus na grupo ang kanyang PDAF.

Bukod dito, lagi anyang nakikipagpulong kay Napoles si Revilla at dumadalo pa sa private parties ng umano’y pork barrel queen.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

January 21, 2014 @ 11:12 AM