WALONG PALENGKE sa BALINTAWAK, HINDI muna GIGIBAIN

BA

Hindi muna matutuloy ang paggiba sa walong palengke sa Balintawak, Quezon City.

Ito ang isa sa napagkasunduan sa mahigit tatlong oras na dayalogo sa pagitan ng mga vendor, market owners, at opisyal ng City Hall, Huwebes ng hapon.

May 60 araw ang may-ari ng naturang walong palengke para maisumite ang mga hinihinging requirement ng pamahalaang lokal ng Quezon City.

Ayon kay retired General Elmo San Diego, hepe ng Quezon City Department of Public Order and Safety, dapat kumuha ng mga pribadong engineer ang mga may-ari ng palengke para suriin ang structural integrity ng kanilang mga establisyimento.

Sakaling bumagsak sa pagsusuri ang mga engineer, dito na aaksyon ang pamahalaang lungsod na posibleng mauwi sa tuluyang pagpapasara sa mga apektadong gusali.

Pinapayagan naman ang market owners na makapagkumpuni ng sira ng kanilang mga palengke kahit may mga vendor sa loob.

Ngunit kung may mangyaring aksidente, walang magiging pananagutan ang lokal na pamahalaan.

 

 

SOURCe:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro/Pagpapasara_ng_8_palengke_sa_Balintawak,_di_muna_tuloy.html

September 18, 2015 @ 05:39 PM