UTOS NG COURT of TAX APPEALS KAY PAMBANSANG KAMAO MANNY PACQUIAO, SUSUNDIN; HINIHINGING CASH BOND, HINILING NA BAWASAN

Tatalima si WBO welterweight champion Manny Pacquiao sa utos ng Court of Tax Appeals (CTA).

Sinabi ng abogado ni Pacman na si Atty. Tranquil Salvador na magbabayad ang kanyang kliyente sa utos ng CTA na maglagak ng bond.

Kapalit ng bond ay ang pagbawi sa freeze order ng Bureau of Internal Revenue sa mga ari-arian ng Filipino ring icon.

Ayon kay Salvador, kukunin nila ang P3.2 billion na pinapabayad ng korte, sa Government Service Insurance System o mula sa isang kilalang bonding firm.

Pero hihilingin muna ni Pacman sa CTA na bawasan ang hinihinging bond.

Ayon sa abogado, ang itinakda ng korte ay hindi hamak na malaki sa P1.4 billion na net worth ni Pacman.

“We are hoping the CTA will reduce the bond amount because in its order, it recognized the fact that Pacquiao’s net worth is only more than P 1.4 billion,” ani Salvador.

Sisimulan na sa June 6 ang pre-trial conference sa kasong tax evasion na kinakaharap ni Pacquiao kung saan magpiprisinta umano ng kanyang mga ebidensiya si Pacquiao.

Ayon kay Salvador, nagmamadali ang BIR na makakolekta ng buwis kay Pacquiao na hindi na umano binigyan ng due process ang kanyang kliyente.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://bomboradyo.com/news/top-stories/item/56360-pacman-magbabayad-ng-cash-bond-re-tax-case#sthash.N7C3H2vT.dpuf

April 28, 2014 @ 08:40 AM