TSUPER NA MANININGIL NG P 8.50 SA PAGSISIMULA NG PASUKAN, MALALAGOT SA LTFRB

Nagbanta ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na parurusahan ng ahensiya ang sinumang driver na magtatangkang maningil agad ng taas singil sa pasahe sa pagsisimula ng pasukan sa Lunes, Hunyo 2.

Reaksiyon ito ni LTFRB Winston Ginez sa mga ulat na may ilan ng operators at drivers ng passenger jeep ang handa nang maningil ng P8.50 minimum fare bukas matapos magsipagkabit ng plakard sa loob ng sasakyan na naniningil ng bagong pasahe sa jeep.

Ayon kay Ginez, kung agad maniningil ng pasahe sa jeep ang mga driver, maaaring maging daan ito para makansela ang kanilang prangkisa.

“Kaya nga ginawa nating June 14 ang simula ng bagong singil sa pasahe sa mga passenger jeep dahil ayaw nating maisabay ito sa pagsisimula ng pasukan ng mga mag-aaral,” pahayag ni Ginez.

Epektibo Hunyo 14 ay P8.50 na ang pasahe sa mga pampasaherong jeep sa Metro Manila, Region 3 at 4 mula sa dating P8.00 upang hindi gaanong maapektuhan ang mga operators at drivers ng jeep sa patuloy na  pagtaas ng halaga ng diesel sa bansa.

 

SOURCE: http://www.philstar.com/bansa/2014/06/01/1329699/driver-na-maniningil-agad-ng-p8.50-sa-lunes-parurusahan

June 1, 2014 @ 08:18 PM