TINATAYANG 2K DEBOTO NG ITIM NA NAZARENO, DUMAGSA SA QUIAPO CHURCH

Mahigit 2,000 deboto ang dumagsa sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Quiapo ngayong Bagong Taon.

Pagtaya ng Sta. Cruz Police, nasa 2,000 hanggang 2,500 ang dumalo bukod pa sa mga naghintay sa mga kalsadang dinaanan sa mahigit pitong oras na prusisyon.

Alas-5:00 ng madaling araw nang ilabas sa Basilica Minore ang imahe ng Black Nazarene bitbit ng mga Hijos del Nazareno. Hindi isinakay sa de gulong na andas ang Nazareno dahil sa traslacion sa Enero 9 pa ito gagamitin.

Pasado alas-12:00 ng tanghali nang maibalik sa Basilica Minore ang imahe.

Ayon sa pulisya, wala naman silang naitalang malaking aberya maliban sa siksikan at ilang debotong nahilo, nahimatay at nasugatan na agad namang narespondehan ng mga medical team.

Bukod sa pasasalamat sa pagpasok ng 2014, layunin din ng prusisyon na mapaghandaan ang kapistahan sa Enero 9.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro

January 1, 2014 @ 07:23 PM