TANGGAPAN NG COMMISSION ON AUDIT, HINDI TARGET NG PAMAMARIL – QCPD

 

Isinasantabi na ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang anggulong ang tanggapan ng Commission on Audit (COA) ang target ng pagratrat nitong Miyerkules ng umaga.

Paliwanag ni QCPD Director C. Supt. Richard Albano, tumutugma ang pahayag ng hawak na testigo mula sa Lanay Videoke Bar sa tapat ng COA na si Francisco Alcala sa pahayag ng janitress ng COA na nagkaroon ng apat na putok ng baril pasado alas-6:00 hanggang 6:10 ng umaga.

Ani Alcala, mayroong riding-in-tandem na namaril kahapon ngunit hindi tinamaan ang kanilang target at posibleng tumama lamang sa gusali ng COA.

Nabasag ang salamin sa ikalawa at ikatlong palapag ng gusali partikular sa tanggapan ni Director Nilda Plaras.

Lumalabas na ligaw na bala ang dumiretso sa COA.

Una nang sinisilip ng QCPD na posibleng may kinalaman sa pork scam na pinalutang ng COA ang pagratrat.

Napag-alaman ng pamunuan ng pulisya na may away sa tapat ng COA kahapon bago ang pagtama ng bala sa opisina ng direktor.

May tama ng bala sa gutter ng COA bukod pa sa dalawang slug na nakuha sa opisina ni Plaras kung saan nabasag ang salamin.

Tugma rin ang oras na binabanggit nina Alcala at janitress ng COA. Sa labas galing ang putok, mula sa westbound lane ng Commonwealth Avenue.

Wala pa namang tukoy na suspek sa pamamaril ang mga awtoridad.

Bigo ang mga imbestigador na matunton ang mga ito sa closed circuit television (CCTV) footage ng COA kaya sisilipin din ngayon ang CCTVs sa Commonwealth Avenue.

Hindi pa rin matunton ang hinihanalang target ng riding-in-tandem suspects.

Hinihinalang revolver naman ang ginamit ng mga suspek dahil walang basyong nakuha sa lugar.

 

NEWS ARTICLE from http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/COA_Main_Office%2C_hindi_target_ng_pamamaril_kahapon_-_QCPD.html

September 26, 2013 @ 12:42 PM