SUPPLEMENTAL AFFIDAVIT NI JANET LIM-NAPOLES, ISUSUMITE NGAYONG LINGGO

Miyerkules o Huwebes ngayong papasok na linggo posibleng isumite ng kampo ni Janet Napoles ang “supplemental affidavit”ukol sa multi-bilyong pork barrel scam.

Matatandaang nakapagsumite na ng kanyang unang “general statement” o pirmado at pinanumpaang salaysay si Napoles sa DOJ nang makipagpulong ang akusado kay Justice Secretary Leila De Lima sa Ospital ng Makati.

Tulad ng unang pahayag, magsusumite pa ito ng mas detalyadong affidavit na maglalaman ng mga dokumentong susuporta bilang ebidensya sa kanilang mga isisiwalat.

“We are finishing it up and perhaps pinaka-longest na is Wednesday or Thursday next week (na) maibibigay na namin ‘yung final list,” hayag ni Rivera.

Bukod sa hirap maglikom ng mga dokumento, hinimay ng tagapagsalita ang mga dahilan kung bakit hindi agad nila inilabas ang mga laman ng affidavit.

“Initially po kasi we never intended to show the list, until we are ready with everything. Because of course it is irresponsible naman on our part na we will be dragging people’s names to the melee and then we cannot even substantiate that. It’s just pure hearsay. So sabi ni Mrs. Napoles, kailangan natin tingnan because she has her own way of keeping the records.”

Asahan anyang mas maraming pangalan ang lalabas sa listahan.

“In fact, du’n sa second na longer affidavit niya, may naidadagdag pa. Because when she checked her records, may mga transactions pala si ganito, ganyan.

“Because nu’ng time that she was in Fort Santo Domingo, she kept her records. Naitago niya, she stashed it away to a safe place.”

Wala anya ito sa Fort Sto. Domingo, naipatago anya ito ngunit tumanggi rin itong idetalye pa.

Dahil sa mga rekord at dokumento, nagpahaging si Rivera na malilinaw ang pagkakadawit ng ilang mambabatas ukol sa naging “financial relationship” nito kay Napoles at kung sangkot ba ito sa scam.

‘Kumpiyansa’ ang kampo ni Napoles sa mga isisiwalat dahil tanging katotohanan lamang ang kanilang ilalabas.

Dumami ang nasangkot na pangalan sa isyu nang magluntangan ang mga listahan nina Sec. Ping Lacson at De Lima na kapwa nang naisumite sa Senado.

Bukod pa ito sa “pork list” na hawak din umano ng whistleblower na si Sandra Cam.

Sa huli, apela ng kampo ni Napoles sa publiko na maging mahinahon sa panghuhusga; basahin at pakinggan muna ang panig nito sa tunay umanong naganap.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

May 18, 2014 @ 06:07 PM