‘SPECIAL DIVISIONS’ NA NAIS BUOHIN NG OMBUDSMAN, SOPLA SA SANDIGANBAYAN

Kinontra ng Sandiganbayan ang hirit ng Ombudsman na bumuo ng special divisions na hahawak sa mga kasong may kaugnayan sa multi-bilyong pork barrel scam.

Sa tatlong pahinang komento na isinumite sa Supreme Court (SC), Lunes ng hapon, iginiit ng mga mahistrado ng Sandiganbayan na regular division dapat ang humawak sa pork barrel cases para maging patas para sa mga nasasakdal at iba pang may nakabinbing kaso sa hukuman.

Katwiran pa nila, kung pagbibigyan ang hirit na dalawang special divisions, maaapektuhan ang ibang mahahalaga at malalaki ring kaso na dapat ding pagtuunan ng kaparehong pansin.

Tiniyak naman ng Sandiganbayan na hindi nila uupuan ang pork barrel cases lalo’t tinututukan ito ng taumbayan.

Bagama’t pasado alas-5:00 ng hapon na natanggap ng SC ang komento, inaasahang kasama pa rin ito sa mga tatalakayin sa en banc session ngayong Martes ng umaga.

Ang komento ay pirmado ng lahat ng mahistrado ng Sandiganbayan maliban kay Associate Justice Rodolfo Ponferrada na naka-leave.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Hirit_ng_Ombudsman_na_bumuo_ng_special_divisions_para_sa_%27pork%27_cases%2C_kinontra_ng_Sandiganbayan.html

June 16, 2014 @ 06:58 PM