SEARCH PLANE SA INDIAN OCEAN, BIGO PA RIN SA NAWAWALANG MALAYSIAN AIRLINE FLIGHT MH370

Nabigo ang mga search plane na makatagpo ng anumang bagay na maaaring galing sa nawawalang Malaysia Airlines flight MH370 matapos na suyurin ang southern Indian Ocean, ayon sa acting prime minister ng Australia kahapon.
Ang mga eroplanong naghanap sa naturang bahagi ng malawak na karagatan ay bahagi ng international search operation para sa flight MH370 na magdadalawang linggo nang pinaghahanap mula nang mawala noong Marso 8.
Ang kanilang hinahanap ay dalawang malalaking “floating objects” na nakita sa pamamagitan ng satellite sa southwest coast ng Australia.
“The last report I have is that nothing of particular significance has been identified in the search today but the work will continue,” ayon kay Warren Truss, ang acting prime minister ng Australia, habang nasa Papua New Guinea si Tony Abbott.
Sinabi pa ni Truss na mahirap ang ginagawang paghahanap dahil sa lagay ng panahon at limang araw na ang nakalipas mula nang makita sa satellite ang “floating objects”.
“So something that was floating on the sea that long ago may no longer be floating it may have slipped to the bottom.

It’s also certain that any debris or other material would have moved a significant distance over that time, potentially hundreds of kilometers,” ani Truss.
Napakalayo ng lugar na pinaghahanapan sa southern Indian Ocean na may apat na oras liliparin ng eroplano para makarating doon at apat na oras din para makabalik habang may dalawang oras lamang sila maaaring makapaghanap.
Nauna nang nagkaroon ng “false leads” sa paghahanap sa flight MH370. Ito’y noong makakita umano ng oil slicks sa karagatan ngunit hindi naman pala ito jet fuel.

Ang isa pa ay ang yellow object na hininalang galing sa nawawalang eroplano ngunit basura lamang pala ito sa dagat.

May nakita rin umanong posibleng debris ng flight MH370 ang Chinese satellite ngunit hindi naman ito natagpuan nang hanapin sa karagatan.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.abante-tonite.com/issue

March 22, 2014 @ 08:27 PM