SEARCH OPERATIONS SA NAWAWALANG MALAYSIAN AIRLINE FLIGHT MH370, PANSAMANTALANG ITINIGIL NG ARMED FORCES of the PHILIPPINES

Pansamantala munang itinigil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang search operation para sa nawawalang Malaysian passenger plane, makalipas ang halos 10 araw nang paghahanap sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ayon kay Defense Sec. Voltaire Gazmin, muli lamang babalik ang kanilang operasyon kapag mayroon nang panibagong indikasyon hinggil sa posibleng presensiya ng eroplano malapit sa teritoryo ng bansa.

Una rito, halos nagalugad na ng AFP ang buong teritoryo ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea, pero wala umano itong nakitang senyales nang nawawalang Malaysia Airlines Flight MH370.

Sa ulat ni AFP-Western Command (Wescom) spokesperson 1Lt. Cheryl Tindog, natapos na nila ang pag-scan sa lahat ng sulok ng Kalayaan Island Group at exclusive economic zone ng bansa pero bigo umano ang kanilang search operations.

“So far, we have generally completed scanning all areas within the KIG (Kalayaan Island Group) and our EEZ (Exclusive Economic Zone),” ayon sa opisyal.

Ang exclusive economic zone ng bansa ay abot hanggang 200 nautical miles mula sa dalampasigan habang ang saklaw ng Kalayaan ang mga isla sa West Philippine Sea.

Una rito, sinasamantala na rin umano ng Philippine Navy ang ginagawang search operations sa nawawalang Malaysia Airline plane para makapag-ensayo ang kanilang mga tauhan, gamit ang bagong bili na mga AgustaWestland AW109 “Power” helicopters.

Ayon kay Navy spokesman Lt. Cmdr. Gregory Fabic, nahahasa na rin ang kanilang mga piloto at crew sa ginagawang “flight deck landings” habang nasa misyon.

Maalala na natanggap ang gobyerno ang mga helicopters noon lamang Disyembre bula sa bansang Italy.

Maliban sa air asset, nauna nang nagdeploy ng tatlong barko at isang Islander plane ang pamahalaan para tumulong sa inilunsad na international search operations para sa missing passenger jet.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.bomboradyo.com/news/top-stories/item/50064-search-ops-sa-missing-plane-tinapos-ng-afp#sthash.jUYDG8ue.dpuf

March 18, 2014 @ 09:44 AM