NO REMITTANCE DAY, TULOY PA RIN

cdbc545a1014f3811c62a7864f45d06b

Tuloy ngayong Biyernes ang “no remittance day” ng mga overseas Filipino worker (OFW) laban sa pagbubukas ng Bureau of Customs (BOC) ng mga balikbayan box.

Iginiit ni Sol Pillas, secretary general ng grupong Migrante, na layon lamang ng Customs sa naturang hakbang na patawan ng dagdag na buwis ang mga OFW, bukod pa sa iba’t ibang uri ng singil na hinihingi sa kanilang hanay.

“Mabuti pa ang saging, isang beses lang pinagkakakitaan. Ang mga OFW, sa loob ng kung ilang taong paulit-ulit kaming lumalabas ng bansa, pinagkakakitaan pa rin kami ng gobyerno,” patungkol ni Pillas sa mga bayarin para sa kontrata, pasaporte at iba pang dokumeto.

“Lahat pong iyan, patuloy na nakikinabang ang gobyerno, doon po mula sa dugo’t pawis ng mga OFW. Para patawan pa ng buwis ang mga balikbayan boxes na ‘yan, masyado na po talagang itinuturing kaming mga gatasang baka,” dagdag ni Pillas sa panayam ng DZMM.

Hindi rin kuntento ang Migrante sa pahayag ng BOC na hindi na nito bubuksan lahat ng balikbayan box na dumadating sa bansa, bagkos ay tanging mga kargamento lamang na kahina-hinala.

Madali lang anya para sa mga opisyal ng Customs na ideklarang kuwestyonable ang isang balikbayan box at hindi malayong may mapinsala o mawala sa mga laman nito.

Himutok pa ni Pillas, “Lahat po ‘yan, itemized na po ‘yan. May mga pamilya po kami na sinasabi habang ‘yan ay ibinabalot na, ‘Ito para kay ganito, ito para kay ganyan.’ Yun po ‘yung hindi nila nakikita.”

 

SOURCe:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/

August 28, 2015 @ 05:32 PM