PROTESTA NG MGA DRIVER AT OPERATOR, AARANGKADA SA LUNES (MARCH 24)

Aarangkada na ngayong Lunes, Marso 24, ang pambansang kilos protesta ng mga drayber at operator sa pangunguna ng PISTON kasama ang kanilang mga chapter at mga kaalyado sa Metro Manila at mga probinsya.

Ayon kay PISTON national president George San Mateo, ikinasa nila ang pagkilos dahil hindi na nila matiis ang anila’y tumitinding paghihirap, pagsasamantala at pambubusabos sa mga drayber at maliliit na operator sa apat na taon ng administrasyong Aquino.

Sinabi ni San Mateo na iba’t ibang klase ng kilos protesta ang kanilang ikakasa ngayong Lunes.

Sa Metro Manila, isang malaking transport protest caravan papuntang Malakanyang ang kanilang gagawin upang iparating ang kanilang mga hinaing kay Pangulong Noynoy Aquino.

Bago tumulak pa-Malakanyang, magtitipon muna ang transport protest caravan bandang alas-8:00 ng umaga sa harapan ng tanggapan ng National Housing Authority.

Sasabayan ito ng mga pagkilos ng mga kasapi at kaalyadong grupo ng piston sa Santiago City, Tuguegarao City, Baguio, Laguna, Batangas, Albay, Iloilo, Bacolod, Dumaguete, Cebu, General Santos, Davao at Cagayan De Oro City.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

March 22, 2014 @ 08:17 PM