PROSESO NG ‘BLOTTER’ vs. VHONG NAVARRO, MARAMING LAPSES AYON SA ABOGADO NG AKTOR

May duda ang kampo ng “It’s Showtime” host na si Vhong Navarro kung maayos bang natugunan ng mga awtoridad ang kaso nito nang ilapit sa istasyon ng pulisya ang naganap na pambubugbog.

Sa panayam ng DZMM kay Dennis Manalo, abogado ng Kapamilya host, hindi nito hinuhusgahan ang mga pulis kung saan inilapit ang insidente pero kung pagbabasehan anya ang salaysay ng biktima, may “lapses” na masisilip.

Noong Enero 22 nang maganap ang insidente sa Forbeswood Condominium sa The Fort kung saan binugbog at kinikilan pa si Navarro, kinumpirma ni Manalo na dinala sa isang police station ang biktima.

Ngunit pinili noon ni Navarro na huwag munang magsalita sa pulis dahil “siya ay kinakabahan na baka mamaya ay kasabwat ang mga tao sa police station.”

Batay sa salaysay ni Navarro, hindi unipormado ang mga dinatnan nila sa istasyon kaya nang tanungin ukol sa kanyang panig sa pangyayari, hindi na ito nagsalita dahil sa takot.

“Nakakasama ng loob na ang ganitong pangyayari ay maaaring maganap sa isang istasyon ng pulisya kasi alam niyo, talagang dapat ang police station kapag tayo ay nasa loob n’yan, dapat tayo ay hindi na natatakot kundi kamo lalo tayong nagiging kampante,”

“Ngunit sa pagkakataong ito, base sa sinabi ni Vhong Navarro, may mga kapansin-pansing lapses na nangyari rito.”

Dapat sana’y agad nabigyan ng medical aid at nai-secure ng pulis ang kondisyon ng isang biktima.

Posibleng sa istasyon sa The Fort isinampa ang blotter laban kay Navarro ngunit kinukupirma pa anya ito.

Tumanggi naman si Manalo na husgahan ang mga awtoridad dahil dapat munang malaman ang tunay na nangyari.

“Hopefully magkaroon ng mas magandang clarification tungkol dito at sana lumabas na ‘yung tamang protocol ng handling ng isang reported crime at isang biktima na nasa kondisyong kinalalagyan ni Mr. Vhong Navarro noon ay maayos.”

“I just want to discern to the Taguig Police and I want to hear their side before I make any kind of conclusion on the matter,” diin ni Manalo.

Nang pakawalan na ng grupong nanakit sa kanya, agad na nagpa-ospital si Navarro at nakipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyang nag-iimbestiga ngayon sa insidente.

Sa sunurang panayam ng DZMM kay Taguig Police Senior Superintendent Felix Asis, ipinaliwanag nitong sa Southern Police District (SPD) naihain ang blotter.

Sakop ng SPD ang Taguig Police at maaari anyang magsampa ng reklamo ang sinuman.

Inaalam na anya nila kung sino ang mga tauhang tumanggap ng blotter. Agad nila itong inumpisahan noong Biyernes kung kailan pumutok ang balita ukol sa Kapamilya star.

Inisyatibo na anya nila ito dahil wala pang opisyal na complaint ukol sa insidente.

Ukol sa insidente, aminado si Asis na ipapa-medical checkup ang isang sugatang bitkima.

Hindi naman tiyak ni Asis kung nagawa ito noong ipa-blotter si Navarro.

Nang puntahan ng Taguig Police ang condominium, sinabi ng pamunuan na walang insidenteng nangyari sa kanilang mga unit.

Hihingiin na ng pulisya ang kopya ng closed circuit television (CCTV) footage ukol sa umano’y insidente, bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.

Sa ngayon, sinabi ng kampo ni Navarro na inaayos na nila ang mga detalye ng salaysay ng kliyente na susundan ng pagkalap ng ebidensya.

Sasalang naman sa operasyon ang nabasag na bridge ng ilong ng Showtime host.

May matinding pananakit din sa likurang bahagi ng ulo ni Navarro na ipasusuri na rin sa mga doktor.

 

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro

January 27, 2014 @ 10:13 AM