PROBADONG COLLEGES AT UNIVERSITIES, BALIK-ESKWELA NGAYONG ARAW

Balik-eswela na rin ang mga estudyante ng ilang pribadong paaralan at mga kolehiyo sa bansa ngayong Lunes, Hunyo 9.

Sa Centro Escolar University (CEU) sa Mendiola, Maynila, 29 na security personnel ang ipinoste sa tatlong entry points ng unibersidad sa pagbubukas ng klase.

Naglatag din ng mga assistance center para sa mga freshman habang naglaan din ng waiting lounge, na tatagal ng limang araw para sa mga magulang at guardians ng mga mag-aaral.

Muli ring nagbukas ang ilang pribadong paaralan sa bahagi ng Katipunan, Quezon City ngayong umaga.

Pormal na ring umarangkada school year 2014-2015 sa ilang state university sa Quezon City at Maynila.

Sa kabuuan, mahigit 40,000 estudyante ang inaasahang papasok sa mga sangay ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ngayong araw at hanggang 7:00 Lunes ng umaga, libo-libong mag-aaral na ang dumating sa PUP, Manila para sa unang araw ng klase.

Nagbalik-paaralan din ang mga estudyante ng Quezon City Polytechnic University (QCPU).

Samantala, naghigpit din ng seguridad ang pulisya para sa pagbabalik-eskwela.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Supt. Elizabeth Velasquez, tagapagsalita ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG), 85% ng kanilang hanay o 1,400 pulis ang ipinakalat kaugnay ng muling pagbubukas ng klase.

“Itong balik eskwela, mas pina-priority natin ‘yung deployment nila sa field kaysa dito sa mga opisina natin,” pagtitiyak ni Velasquez.

Sa Metro Manila, babantayan din ang ‘University Belt’ lalo’t karamihan sa mga estudyante’y may dala-dala pang perang pambayad ng tuition at boarding house.

Todo-alerto rin ang mga pulis laban sa mga kidnapper, mga nagbebenta ng iligal na droga at bomb threat sa mga paaralan.

Maaaring makipag-ugnayan sa PNP-HPG sa pamamagitan ng numerong 726-1261 o726-1262.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Mga_estudyante_ng_private_colleges_at_universities%2C_balik-eskwela_na_ngayong_Lunes.html

June 9, 2014 @ 10:08 AM