PRESYO ng INTERNET SERVICE, HINDI PWEDENG IDIKTA ng NTC

11909812_1120944354585589_670623677_n

Hindi maaaring diktahan ng National Telecommunications Commission (NTC) kung magkano dapat ang singil ng telecommunication companies (telcos) sa internet service, ayon kay NTC Director Edgardo Cabarios.

Sa panayam sa dzMM, sinabi ni Cabarios na value added service lamang ng telcos ang serbisyo sa internet. Deregulated din aniya ito na nangangahulugang ang mga kumpanya ang magpapasya kung anong klaseng serbisyo ang kanilang ibibigay at kung magkano nila ito ipagbibili.

Gayunman, nilinaw ng direktor na may kapangyarihan ang NTC upang tiyakin ang pagpapatupad ng telcos ng magandang kalidad ng serbisyo.

Ani Cabarios, ang kawalan ng national network ang dahilan kung bakit nananatiling mahal ang singil sa internet sa bansa.

Samantala, inirekomenda aniya ng NTC sa Senado ang pagbuo ng interagency kung saan magkasama ang gobyerno at ang pribadong sektor upang ilatag ang komprehensibong plano. Dapat aniya matukoy kung saan magpapatupad ng subsidiya ang gobyerno at kung saan mamumuhunan ang pribadong sektor.

 

 

SOURCE:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Presyo_ng_internet_service%2C_hindi_sakop_ng_NTC.html

September 18, 2015 @ 05:18 PM