US PRES BARACK OBAMA, DARATING NA SA PILIPINAS’ SEGURIDAD, KASADO NA

Inaantabayan na ngayong Lunes ang pagdating sa bansa ni US President Barack Obama bilang bahagi ng kanyang 7-day Asian trip.

Ang Pilipinas ang huling bansa na bibisitahin ni Obama sa kanyang tour, matapos bumisita rin sa Japan, South Korea at Malaysia.

Parehong handa na ang mga militante at awtoridad sa pagdating ng US President sa bansa para sa kanyang 2-araw na state visist.

“Ganap na ang kahandaan ng ating pamahalaan sa pagdalaw ni President Obama,” ani Presidential Communications Secretary Sonny Coloma sa panayam ng DZMM.

Napag-alamang ala-1:30 ng hapon lalapag sa bansa ang Air Force 1 na sasakyan ni Obama mula sa Malaysia.

Pagdating, diretso na ito sa pulong kay Pangulong Noynoy Aquino sa Malakanyang, kung saan inaasahang darating na ito dakong alas-2:00 ng hapon.

Napagkasunduan anyang huwag nang magtungo sa Rizal park para sa wreath laying dahil sa mahigpit na iskedyul.

Sa Malakanyang, magkakaroon anya ng bilateral talks ang dalawang lider.

Matapos ang ilang pribadong sandali, magsasagawa ng joint presscon sina Obama at PNoy na susundan naman ng state dinner

Abril 29, Martes, sinabi ni Coloma na wala nang iskedyul sa Malakanyang si Obama.

“Ang kanyang schedule sa pangalawang araw ay ‘yung titingnan nya ‘yung sasakyang COMET, isang makabagong sasakyan na energy-saving at ito’y susundan naman ng isang event na magbibigay-pugay sa mga American veteran ng World War II at doon na magtatapos ang pagdalaw ni Pangulong Obama.”

Dama na sa Parañaque, Pasay at Maynila ang pagdating ng bisita kung saan nakakabit na ang welcome banners at nakapwestong US at PH flag sa mga rutang dadaanan ng delegasyon ni Obama.

Seguridad

Pinaigting na rin ang seguridad sa buong bansa kasabay ng pagbisita ni Obama.

Ayon sa PNP at AFP, wala namang banta laban sa seguridad pero nakahanda sila sa masusing koordinasyon security service ng Amerika para tiyaking ligtas at magiging maayos ang lahat.

Magpapatupad ng “no-fly zone” sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport, gayundin sa pag-alis sa bansa bukas ng US President.

Bukod sa no-fly zone, magpapatupad din ng no sail zone sa Pasig River sa pagtungo ni Obama sa Malakanyang.

Naka-red alert ang militar at pulisya sa anumang banta sa seguridad ng bansa at kay Obama, habang nakikipagtulungan ang Presidential Security Group sa US Secret Service para sa pagbibigay ng seguridad sa opisyal.

Nakahanda rin ang militar na magdeploy ng contingency forces sa pulisya kung may banta sa seguridad.

Agenda

Kabilang sa mga inaasahang tatalakayin sa pulong ni Obama at PNoy sa Malakanyang ang usapin sa seguridad at ekonomiya ng dalawang bansa.

Bago pa ang pagdating sa bansa, inaasahang lalagdaan ang 10-taon nang usapin ng pinaigting na military presence sa bansa oEnhanced Defense Cooperation Agreement na layong paigtingin ang palitan ng skills at training ng mga sundalong Amerikano at Pinoy hindi lang tuwing digmaan kundi maging sa ngalan ng rescue at disaster management.

Batay sa kasunduan, mabibigyan ang U.S. troops ng “temporary access” sa mga lokal na military camp

Ngunit kahit umano muling magpapadala ng mga eroplano at bapor at mga sandatang pang digma ang Amerika sa bansa hindi naman daw ito nangangahulugan ng pagbabalik ng mga base ng Amerika sa bansa bagay na tinututulan ng mga militante.

Kaya nitong weekend kaliwa’t kanang protesta ang isinagawa nila at magtutuloy-tuloy daw ito bilang pagsalubong nila sa US President.

Nakiusap naman ang mga awtoridad sa pangunguna na rin ng Malakanyang sa mga grupo na gawing mapayapa ang kanilang kilos protesta. Papayagan naman anila ang mga ito basta tanging sa mga itinakdang oras at lugar.

 

 

NEWS ARTICLE FROM: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

April 28, 2014 @ 08:59 AM