PORK SCAM WITNESS RUBY TUASON, NAKALIPAD NA PALABAS NG BANSA; NAKATAKDANG BUMALIK SA ABRIL 5

Nakalabas na ng bansa ang isa sa witness na si Ruby Tuason na direktang nag-uugnay kina Sens. Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada na tumanggap ng kickback sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), ngunit agad na nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na aprubado ng Department of Justice (DOJ) ang pagpunta nito sa Hong Kong.

Ayon kay Immigration Spokesperson Maan Ped­ro, Marso 2 nang umalis ng bansa patungong Hong Kong si Tuason lulan ng Cathay Pacific Cx902 at inaasahang babalik ng bansa sa Abril 5 base na rin sa kanyang return ticket.

Si Tuason ay kabilang sa look out bulletin order ng DOJ na inisyu noong Setyembre 2013 dahil na rin sa pagiging akusado nito sa kasong plunder kaugnay sa pork barrel scam at Malampaya scam kung saan sinasabing aabot sa P200M ang natanggap nitong kickback.

 

NEWS ARTICLE FROM : www.abante.com.ph

March 6, 2014 @ 09:33 AM