PORK SCAM WHISTLEBLOWER BENHUR LUY, TIYAK ANG SEGURIDAD HABANG NASA WITNESS PROTECTION PROGRAM NG DOJ

Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na alaga pa rin ang whistleblower na si Benhur Luy sa kabila ng pagsipa nito kay Atty. Levi Baligod bilang abogado.

Sa panayam ng DZMM kay Justice Secretary Leila de Lima, sinabi nitong inaalagaan pa rin si Luy bilang pangunahing testigo sa pork barrel scam.

“Hindi po ako ang abogado ni Benhur pero kami po ang custodian niya ngayon. Inaalagaan po namin siya dahil nga po siya ay ang principal whistleblower.”

“Sa lahat po ng testigo namin, si Benhur masasabi ko po, siya ang pinaka-importante at siya po kasi ang maraming alam lalo na sa kanyang accounting records. So sinisiguro ko po yun.”

Siniguro rin ni De Lima na walang makakalapit kay Luy habang nasa ilalim ng Witness Protection program (WPP) kasunod ngpahayag ni Baligod na mayroong mga interesadong impluwensyahan sa “certain degree” ang mga whistleblower bagama’t tikom ito sa pagkomento kung naimpluwensyahan si Luy.

“First, hindi ko po alam kung saan nanggagaling ‘yung ganyang parang haka-haka ni Atty. Levi. So tulad ng sinabi ko, sisiguraduhin ko po ‘yun na hindi po ‘yan mangyayari na may mga nakaka-access.”

Kabilin-bilinan aniya niya sa mga nagbabantay kay Luy sa WPP na ilimita ang mga nag-a-access dito upang maiwasan ang pang-iimpluwensya.

“Either nga maka-access para maimpluwensyahan at maturuan na magsabi ng hindi totoo o worse is baka may mangyari sa kanya in so far as his security is concerned,” sabi ni De Lima.

Paliwanag naman ng kalihim, wala pa itong balita kung kumalas na rin si Baligod sa iba pang whistleblowers, kabilang na ang isa pang kinakatawan nitong si Merlina Suñas.

“Isa nga ako sa mga medyo nalulungkot na yung original team ay hindi na, wala na,” pag-amin ni De Lima dahil si Baligod ang unang nagdulog ng problema ni Luy sa DOJ.

“But we must remember na this case is bigger than anyone of us.”

Una nang kinumpirma ni De Lima na inalis na ni Luy si Baligod bilang abogado nito, Martes ng umaga.

Idinahilan ni Luy ang kakulangan sa oras kaya pinakawalan si Baligod.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

March 6, 2014 @ 09:35 AM