POPE JOHN PAUL II at POPE JOHN XXIII, BAGONG SANTO NG SIMBAHANG KATOLIKO

Idineklara nang santo ni Pope Francis ang mga dating Banal na Papa na sina John Paul II at John XXIII sa ginanap na  misa para sa kanonisasyon  ng mga ito.

Nasa isang milyong deboto ang dumalo sa misa sa St. Peter’s Square habang milyun-milyon naman ang nanonood sa iba’t-ibang panig ng mundo sa mga telebisyon at live streaming.

Punong-puno ang mga lansangan ng Roma sa paligid ng Vatican hanggang sa St. Peter’s Square ng mga gustong maging bahagi ng makasaysayang kaganapan sa Simbahang Katolika.

Unang beses itong sabay na idineklarang santo ang dalawang Santo Papa na pinangunahan din ng dalawang living Pope – sina Francis at Emeritus Pope Benedict XVI.

Karamihan sa mga deboto ay may bitbit na mga bandila at banners. Standout ang red and white flags ng Poland kung saan nagmula si John Paul II.

Sa unang bahagi ng seremonya, ibinigay kay Pope Francis ang mga relics nina John Paul II at John XXIII na kaniyang hinalikan bago idinisplay sa altar.

Pagkatapos ng misa bubuksan sa mga deboto ang St. Peter’s Basilica para sa mga gustong makita ang nitso ng dalawang bagong santo.

Samantala, tulad ng inaasahan, nakiisa ang buong mundo sa cano­nization o pagdeklara bilang santo kina dating Pope John Paul II at Pope John XXIII sa St. Peter’s Square sa Vatican City.

Sa Metro Manila, isang tribute ang inihanda para kina John Paul II at John XXIII sa Araneta Coliseum.

Mismong si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang nanguna sa isang misa ngayong hapon para ipagdiwang ang sainthood ng dalawang dating Papa.

 

NEWS ARTICLE FROM: http://www.philstar.com/bansa

April 28, 2014 @ 08:44 AM