POPE FRANCIS, NAKATAKDANG DUMALAW SA ‘PINAS ENERO 2015

Tuloy na tuloy na ang pagdalaw sa Pilipinas ni Pope Francis sa susunod na taon.

Ayon sa ulat, kinumpirma ng Santo Papa sa pagharap nito sa mga mamamahayag sa papal plane habang pabalik ng Vatican matapos ang biyahe sa Gitnang Silangan kung saan dadalaw ito sa Pilipinas at Sri Lanka sa buwan ng Enero sa su­sunod na taon.

Bahagi ito ng Asian trip ng pinakamataaas na pinuno ng 1.2 bilyong Katoliko kung saan hindi idinetalye ng Santo Papa ang eksaktong petsa ng pagbisita nito sa bansa.

Una nang sinabi ng Santo Papa na ang kagustuhan nitong tumungo ng Asya ay dahil sa kabiguan ni dating Pope Benedict XVI na mapuntahan ang rehiyon sa walong taon nitong pagiging lider ng Simbahang Katolika.

Nabatid na inimbitahan ang Santo Papa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na pumunta ng Pilipinas sa 2016 kasabay ng gaganaping Inter­national Eucharistic Congress sa Cebu City ngunit wala pang kumpirma­syon ang Vatican kung makaka­dalo si Pope Francis.

 

SOURCE: http://www.abante.com.ph/k2-tags/news/abroad2/6313/pinas-bibisitahin-ni-pope-francis-sa-enero.html

May 29, 2014 @ 04:02 PM