PONDO NG RED CROSS, PINABUBUSISI NI ROSA ROSAL at 3 pang PRC GOVERNORS

Isinulong ni Philippine Red Cross (PRC) Governor Rosa Rosal at tatlo pang kapwa-opisyal ang imbestigasyon sa paggamit ng pondo ng organisasyon.

Ani Rosal na 63 taon nang naglilingkod sa PRC, ikinalulungkot niya ang pag-ugong ng isyu ukol sa umano’y anomalya pero marapat lang na aksyunan ang pagkwestyon ng sinibak na chief accountant sa baller IDs, “WOW” tarpaulins, pito at iba pang pinagkagastusan ng PRC.

Anya, “All I want is audit, bakit ayaw nila?”

Sa kauna-unahang pagkakataon, humarap din sa ABS-CBN News ang tatlo pang governors ng PRC.

Sumulat na sila sa board para ituloy ang anila’y tunay na audit. Kabilang dito sina Leslie Espino, Elmer Espiritu at Baby Ortiz.

Pero para sa ibang miyembro ng board, walang basehan ang panawagang ito dahil naabswelto na anila si Secretary General Gwendolyn Pang.

Ani Atty. Lorna Kapunan, “Tapos na ‘yan, ano pa ang gusto nila?”

Hayagan namang inakusa ng kampo ni Pang na ginagamit si Rosal ng isang maliit na grupo sa board.

“She is 83 years old… I think because of her age nagagamit siya ng grupong ito,” pahayag ni Atty. Rodolfo Reyes.

Pero sagot ni Rosal, “I maybe 83 years old pero malinaw pa ang isip ko. Nakakapag-memorya pa ako… Hindi ako magpapagamit kahit kanino, all I want is audit of Red Cross funds.”

Giit ng mga taga-suporta ni Pang, walang pondo na nagamit sa anomalya sa PRC.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

December 19, 2013 @ 09:11 AM