PNoy, IPINAGTANGGOL NG ILANG KONGRESISTA KAUGNAY NG ‘AWFUL MANAGER’ BANAT NI SEN. SERGE OSMEÑA

Ipinagtanggol ng mga kongresista sa pangunguna ni House Speaker Feliciano Belmonte ang Pangulong Benigno  Aquino III matapos itong tawaging ‘awful manager’ ng kaalyadong si Senador Serge Osmeña at pagtawag pa nito na ampaw sa Aquino administration.

Ayon kay Speaker Belmonte, malaking pagkakamali ang mga banat ni Osmeña sa Pangulo dahil ito ang pinaka credible na presidente ng bansa at nananatiling popular sa kabila ng mga pag atake dito.

Sinabi pa ni Belmonte, ang pangulong Aquino ay hindi mahilig mag double talk at walang personal agenda, bagay na hinahangaan dito ng mga Pilipino at mga dayuhan.

Pinalagan din  ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang banat ni Osmeña sa Pangulo bagamat nirerespeto umano nito ang karapatan ng Senador na magpahayag subalit ‘grossly unfair’ umano na tawaging awful ma­nager ang presidente at ampaw ang administrasyon nito.

Maging si Isabela Rep. Rodito Albano na miyembro ng oposisyon sa Kamara ay kinampihan din ang Pangulo at kinuwestiyon si Osmeña kung bakit ngayon lamang ito nagsalita na nakakaaapat na taon na sa puwesto ang  Pangulo.

Tinawag naman ni Albano si PNoy na honest at humble president na nagbibigay ng mahusay na pamumuno sa bansa.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.philstar.com/

March 22, 2014 @ 08:14 PM