PISTON, NAKATAKDANG MAGKILOS-PROTESTA SA JUNE 3

Idadaan ng samahan ng mga driver at operator sa kilos-protesta sa Martes, Hunyo 3, ang kanilang panawagan para sa P6 fuel discount sa lahat ng gasolinahan para sa mga public utility vehicles (PUV) kabilang na ang mga jeep.

Sa isang pahayag, minaliit lamang ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) National President George San Mateo ang inaprubahang P0.50 umento sa pasahe sa jeep sa National Capital Region, Central Luzon at Southern Tagalog na epektibo sa Hunyo 14.

“Mas magiging makabuluhan pa sa mga jeepney driver sa buong bansa kung pinakinggan lamang ni Pangulong Aquino ang panawagan ng PISTON na P6 fuel discount. Pero mas pinili pa ni Aquino na pagtakpan ang pang-aabusong overpricing sa langis ng big oil cartel sa pamamagitan ng pagbibigay ng limos at mapanlinlang na fare hike,” giit ni San Mateo.

Inaalala rin ng PISTON ang kalagayan ng mga driver sa mga lalawigan na hindi sakop ng dagdag-pasahe lalo na sa Visayas at Mindanao kung saan mas mataas pa ng P5 hanggang P9 ang presyo ng diesel kumpara sa Metro Manila.

Igigiit din nila ang panawagang pagpapawalang-bisa sa Oil Deregulation Law at pag-aalis ng value added tax (VAT) sa langis.

Dahil dito, alas-8:00 Martes ng umaga anya, magtitipon sa harap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Central Office ang mga driver na kasapi at kaalyado ng PISTON upang magsagawa ng programa.

Susundan ito ng motorcade papunta sa isang hindi pinangalanang tanggapan ng gobyerno upang doon ituloy ang kilos-protesta.

Ibinabala rin ni San Mateo ang mas malaking kilos-protesta ng libo-libong driver sa nalalapit na State of The Nation Adress (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino sa Hulyo.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/P0.50_taas-pasahe_sa_jeep%2C_kulang_at_limos_lang_ng_gobyerno_-_PISTON.html

June 1, 2014 @ 08:04 PM