PINSALANG DULOT NI YOLANDA, PUMALO NA SA P12.6B HALAGA

Dalawang linggo matapos manalasa, umakyat na sa P12.6 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Yolanda.

Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) alas-6:00 Huwebes ng umaga, mahigit P10.5 bilyon sa naturang halaga ang nasira sa agrikultura habang mahigit P2.1 bilyon ang sa imprastraktura.

Nanatili naman sa 4,011 ang bilang ng mga nasawi bagama’t patuloy pa rin ang pagkalap ng impormasyon at pagrekober sa mga bangkay sa mga lalawigan sa Visayas na matinding hinagupit ng bagyo.

Bukod dito, may 1,602 pang hinahanap.

Kabuuang 2,150,925 pamilya o mahigit 10 milyong indibidwal ang naapektuhan ni “Yolanda” at halos 1 milyong pamilya rito ang nanunuluyan sa mga evacuation center.

Patuloy pa rin naman ang pag-ayuda ng gobyerno sa mga sinalanta. Nakapagpalabas na ito ng mahigit P449 milyong tulong.

Ang tulong naman ng ibang bansa, umaabot na sa P13 bilyon ayon sa Foreign Aid Transparency Hub (FAiTH). Kabilang dito ang halaga ng cash at in kind donations.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

November 21, 2013 @ 11:20 AM