PINALAKAS NA HABAGAT, DAHILAN NG MALAKAS NA PAG-ULAN NOONG LINGGO

Pinalakas na hanging habagat ang dahilan ng matinding pag-ulan noong Linggo ng gabi, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi ni PAGASA forecaster Fernando Cada, lumkas pa ang hanging habagat dahil sa tropical storm Haikui na namataan malapit sa Japan.  Tuwing Agosto rin umano sustained o well established ang habagat kaya’t tuloy-tuloy ang dala nitong ulan.  Posible ring tumagal nang buong linggo ang nararanasang pag-ulan.

Nagdulot ng pagbaha ang matinding buhos ng ulan sa iba’t-ibang lugar sa Maynila na naging dahilan ng paglikas ng mga residente.  Umabot na sa spilling level na 80.15 meters ang tubig sa La Mesa Dam.  Pinayuhang lumikas ang mga resident ng Barangay North Fairview, Sta. Lucia, Fairview, Novaliches Proper, Capri, Nagkaisang Nayon, Gulod, Bagbag at San Bartolome.  Itinaas naman ang ikalawang alarma sa Marikina matapos umakyat sa 16.3 meters above sea level ang tubig sa Marikina River.

August 6, 2012 @ 11:04 AM