PILIPINAS, UNDER STATE OF NATIONAL CALAMITY !!!

Nagdeklara kagabi si Pangulong Benigno Aquino III ng state of national calamity kaugnay ng pinsalang idinulot ni super typhoon Yolanda sa Visayas at Luzon.

Sa nationwide broadcast kagabi ni Pangulong Aquino, batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) ay nagdeklara ang chief executive ng state of national calamity dahil sa malawak na pinsalang dulot ni bagyong Yolanda sa bansa.

Batay sa section 3 ng Republic Act 1021 o “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010”, ang state of calamity ay ang kondisyon kung saan ay sangkot ang mass casualty at major damages sa ari-arian, pagkasira ng kabuhayan, pagkawasak ng mga daan at normal way of life sa mga apektadong lugar.

Magugunita na lubhang nasira ang Tacloban City, ang lalawigan ng Capiz, Iloilo, Samar, Cebu, Palawan at ilang parte ng Luzon sa pagragasa ni bagyong Yolanda noong Biyernes kung saan ay libo-libo ang pinanga­ngambahang nasawi.

Huling idineklara ni PNoy ang state of national calamity noong Dec. 27, 2012 batay sa Proclamation 52 dahil sa bagyong Pablo.

Sa ilalim ng pagdedeklara ng state of national calamity, ay puwede nang humingi ng international humanita­rian assistance para sa tulong. Magpapatupad ng price freeze sa mga basic commodities at ang pagbibigay ng no-interest loans bilang tulong sa mga biktima ng trahedya.

Mananatili ang state of national calamity sa buong bansa hanggang hindi ito inaalis ni Pangulong Aquino.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.philstar.com/bansa

November 12, 2013 @ 08:15 AM