PILIPINAS, PINAGHAHANDAAN NANG SOBRA ANG PAG-LANDFALL NG SUPER TYPHOON ‘YOLANDA’

Nakaalerto na ang bansa sa pagtama ng napakalakas na bagyong si Yolanda partikular ang mga lugar na inaasahang dadaanan ng bagyo.

Sa mga lalawigan ng Albay, Cebu, Bohol, at Leyte, suspendido na ang klase ngayong Huwebes.

Nagpulong na rin ang iba’t ibang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) para sa mga contingency measure na ipatutupad.

Inihahanda na rin ang mga posibleng evacuation center na pwedeng pagdalhan ng mga maaapektuhang residente.

Sa Metro Manila, nakaalerto na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA).

Una nang sinabi ni Pangulong Noynoy Aquino na target pa rin ang zero casualty sa pananalasa ni Yolanda.

Nagtabi na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P192.7 milyong emergency relief resources para sa mga posibleng tamaan ng bagyo.

‘Manatiling nakatutok’

Walang humpay naman ang babala ng PAGASA sa mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang paparating na bagyo.

“Ipinapakiusap po natin sa mga kababayan natin na sana po ay lagi tayong tumutok sa pagbabantay natin sa bagyong paparating na baka po pinakamalakas na bagyong papasok sa atin,” apela ni Dr. Flaviana Hilario ng PAGASA.

Ayon kay forecaster Perez, mula Huwebes ng hapon hanggang Sabado, mapanganib ang lahat ng uri ng pagbiyahe sa mga nabanggit na lugar na dadaanan ng bagyo.

“Even though Friday pa ‘yung inaasahan nating pagtama ng bagyo dito sa Eastern Visayas considering ‘yung lawak ng bagyo, habang malayo pa ito, posible nang maapektuhan ‘yung weather ng ilang area sa ating bansa,” paliwanag pa nito.

Si Yolanda ang ika-24 na bagyong pumasok sa bansa ngayong taon.

Pumasok ito ng PAR dakong alas-12:00 ng hatinggabi at agad ipinailalim sa signal no. 1 ang 14 na lugar sa Visayas at Mindanao.

 

NEWS ARTICLE FROM http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

November 7, 2013 @ 09:46 AM