PERA NG GOBYERNO, SAYANG LANG SA MGA KAMPANYA UKOL SA MGA CONTRACEPTIVE – CBCP

Nagsasayang lang ng pera ang pamahalaan sa ginagawang pamamahagi ng Department of Health (DOH) ng condoms sa iba’t ibang establisim­yento bilang panlaban sa tumataas na kaso ng human immuno virus (HIV) at acquired immuno deficiency syndrome (AIDS) sa bansa.
Ito ang inihayag ng Simbahang Katolika sa pamamahagi ng DOH ng mga condom sa mga massage parlor, KTV bars at nightclubs sa Quezon City upang maibsan ang tumataas na kaso ng HIV at AIDS sa bansa.
Ayon Rev. Fr. Dan Cansino, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)-ECHC, hindi tugon ang pag-promote ng safe sex upang bumaba ang kaso ng nasabing sakit sa kadahilanang hindi lamang sa sexual act nakukuha ang nasabing sakit.
Mas dapat aniyang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagtuturo ng values formation lalo na sa mga kabataan sa halip na gumastos ng bilyong piso sa pamimigay ng condom at kunsintihin ang maling kasanayan.
“Bakit ang ating gobyerno hanggang doon na lang ang programa at malaking pera ang ginagastos sa ganitong paraan?

Nagsasayang lang po tayo ng pera, eh kung ‘yung perang ‘yun ilagay natin sa programa na kung mababago at may values formation sa mga kabataan mas maganda, long lasting ang ating solusyon,” pahayag pa ni Fr. Cansino.
Naniniwala din ang komisyon na kung nais talaga ng gobyerno na bumaba ang kaso ng HIV at AIDS ay dapat din nitong tutukan ang iba pang suliranin gaya na lamang ng human trafficking at child prostitution lalo na sa mga kilalang tourist spot sa bansa.
Kaugnay nito umapela ang CBCP sa taumbayan na huwag tawaging biktima ang may mga HIV/AIDS dahil sa itong uri ng diskriminasyon para sa mga ito.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.abante-tonite.com/

March 18, 2014 @ 09:30 AM