PASIG RIVER FERRY SYSTEM, BALIK OPERASYON NGAYONG ARAW

Muling maglalayag ngayong Lunes, Abril 28 ang Pasig River Ferry System matapos itong ihinto noong 2011.

Sa unang araw ng serbisyo, half day o hanggang alas-12:00 ng tanghali lang ang operasyon nito dahil may ipatutupad na restrictions sa ilang lugar pagdating ni US President Barack Obama sa Maynila.

Pero sa Martes, maglalayag ang nasa anim na ferry boats simula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.

Sa unang linggo ng operasyon, libre ang pamasahe at may alok pang libreng kape sa mga pasahero.

Bubuksan ang limang ferry stations partikular na ang Pinagbuhatan Station sa Pasig City, Guadalupe Station sa Makati City, Sta. Mesa Station, Escolta Station at Intramuros Station sa Maynila.

Tatlo naman ang ruta ng operasyon: Pinagbuhatan-Guadalupe, Guadalupe-Escolta at Guadalupe-Plaza Mexico via PUP.

Maaaring isakay ng mga bapor na may 25 hanggang 30 seating capacity ang mga biyahero at epektibo sa ikalawang linggo ang P25 hanggang P50 pamasahe.

Walang aircon ang mga ferry boat subalit ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Francis Tolentino, komportable naman anya ang biyahe nang subukan niya. May comfort room din sa mga istasyon.

Samantala, may barko gagamitin na pang-patrolya at may isa ring gagawing floating coffee shop.

Una nang sinabi ni Tolentino na tatlong pribadong kumpanya ang inaprubahang mag-operate sa mga biyahe sa Pasig River.

 

 

NEWS ARTICLE FROM: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro

April 28, 2014 @ 08:42 AM