PAROLE NA IGINAWAD KAY EX-BATANGAS GOVERNOR ANTONIO LEVISTE, PWEDENG BAWIIN

Maaring bawiin ang parole ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste kung isyung legal ang pag-uusapan.

Inamin ni Justice Secretary Leila de Lima na may ‘lapses’ ang Board of Pardons and Parole at posibleng hindi tinignan ng BPP ang kasong evasion of sentence na isinampa kay Leviste kaya’t nabigyan ito ng parole.

Dalawa lamang umano ang tinanong ni de Lima sa BPP bago nito na-clear ang parole ng dating gobernador, una ay kung dumaan ito sa tamang proseso at ikalawa ay kung tumugon ito sa mga requirement.

Subalit ng i-review na umano ng kalihim ay nakita nito na may issue sa interpretasyon ng grounds nito lalo pa at isinasantabi ang pag­labas noon ni Leviste ng kulungan ng walang otorisasyon o kaukulang pass.

Si Leviste, 73, ay nahatulang mabilanggo sa pagpatay sa kanyang matalik na kaibigan na si Rafael delas Alas noong 2007. Pinalaya si Leviste noong Biyernes sa New Bilibid Prison.

Matatandaan na taong 2011 nang mahuli sa akto si Leviste na nakakalabas ng kulungan na indikasyon na may nakukuha itong VIP treatment mula sa mga tauhan ng NBP.

Bagama’t pinagbatayan ng BPP ang pagkakabasura ng kasong evasion of sentence sa Makati court sinabi ni de Lima na mas dapat pa ring tinignan at kinonsidera ng BPP ang report ng DOJ fact-finding team na nagpakita na may ginawang paglabag ang dating gobernador.

Isinumite ni de Lima ang justification ng  desisyon ng BPP kay Pangulong Aquino at nasa kamay na umano ni PNoy kung babawiin ang parole ni Leviste.

 

NEWS ARTICLE FROM: http://www.philstar.com/bansa

December 12, 2013 @ 10:02 AM