PANUKALANG KONTRA RIDING-in-TANDEM, PINANIGAN NG PALASYO

Hindi lang ang mga karaniwang tao ang ubos na ang pasensya sa riding in tandem na naghahasik ng kamatayan sa lansangan kundi maging ang Palasyo ng Malacañang.

Ayon kay Presidential Communication Operation Office (PCOO) Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr., interesado ang Malacañang sa mga panukalang ipagbabawal na ang dalawang tao na magkaangkas sa isang motorsiklo.

“Batid natin na ang pangkaraniwang modus na ginagamit lalo na sa walang habas na pagpapaslang ay ‘yung paggamit ng motorsiklo ng mga assailant, riding in tandem kaya po tinututukan iyan ng ating awtoridad,” pahayag ni Coloma.

Hindi tinututulan ng Malacañang ang panukalang ipagbawal na ang magkaangkas sa isang motorsiklo lalo na ang mga lalake, bilang paraan para masawata na ang operasyon ng riding in tandem.

Hindi lamang dito sa Metro Manila nauuso ang riding in tandem kundi sa mga lalawigan kung saan ang mga salarin ay gumagamit ng motorsiklo kung saan ang kaangkas ay bumabaril sa target nilang biktima.

Nalulusutan ng mga salarin ang ginagawang krimen dahil walang paraan para makilala ang mga ito dahil sa suot nilang helmet at walang plaka ang ginagamit nilang motorsiklo.

“Umaasa tayo na kung magkaroon ng mas mahigpit na batas, kailangan din maisulong ‘yung minimithi nating pagbaba ng krimen,” ayon pa kay Coloma kaya suportado ng Palasyo ang nasabing panukala.

Unang inilutang ng City of Manila ang pagbabawal sa magkaangkas sa isang motorsiklo subalit may mga sektor ng lipunan na nais gawing national law na ito upang hindi lang sa Lungsod ng Maynila ipatupad kundi maging sa buong bansa.

 

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.abante.com.ph/issue

January 27, 2014 @ 10:28 AM