PAMUNUAN NG MMDA at DPWH PINAGPAPALIWANAG RE: SERYE NG ‘INFRASTRUCTURE PROJECTS’

Pinagpapaliwanag ng independent minority bloc sa Kamara ang mga opisyal  ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa sabay-sabay na infrastructure projects na gagawin kabilang na ang mega skyway 3 na magpapalala sa daloy ng tapiko sa Metro Manila.

Ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ipapatawag nila ma­ging mga opisyal ng lokal na pamahalaan na nakakasakop ng proyekto at ang consortium  na may ari ng skyway.

Paliwanag pa ni Romualdez, hindi sila tutol, sa mga infrastructure projects na ganito subalit gusto rin nilang malinawan kung ano ang mga inaasahang problemang kaakibat nito at ano ang inilalatag na solusyon.

Kailangang ngayon pa lamang umano ay dapat malinaw na sa publiko kung magkano ang toll na ipapataw sa motorista sa skyway 3 at kung magbubunsod ito ng pagtaas sa pamasahe na puwede namang magpataas ng presyo ng mga produkto.

Ngayon pa lamang ay inaasahan na ang matin­ding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang  idudulot ng konstruksyon ng skyway 3 na tatagal ng dalawang taon.

Babala pa ni Romualdez sa gobyerno, hindi lamang ito abala sa mga pasahero kundi apektado din pati ang delivery ng produkto at serbisyo.

NEWS ARTICLE FROM : http://www.philstar.com/bansa

February 18, 2014 @ 10:29 AM