PAMANGKIN NI NUR MISUARI AT 35 MIYEMBRO NG MNLF, SUMUKO NA SA MILITAR

Dahil sa matinding kagutuman, sumuko ma rin sa otoridad ang kinilalang pamangkin ni Nur Misuari at 35 pang Moro National Liberation Front (MNLF) sa patuloy na bakbakan sa Zamboanga City kahapon.

Ito ay batay sa kumpirmasyon ni Lt. Col. Harold Cabunoc, Commander ng 7th Civil Relations Group (CRG) ng AFP. Dagdag nito, ang umano’y pagbubuwis ng buhay ng isang sundalo, dalawang pulis at apat na tauhan ng MNLF sa Brgy. Sta. Barbara, Zamboanga City sa isinagawang rescue mission na nagresulta sa pagkakaligtas ng anim na hostages.

Sa hiwalay na panayam, inihayag ni DILG Secretary Mar Roxas na kabilang sa MNLF na napasakamay ng tropa ng pamahalaan kahapon ay si Enir Misuari.

Kasabay ng  pagsuko ng mga rebelde ay ang pagsurender din ng kanilang 23 matataas na kalibre ng armas na wala ng mga bala.

Tinatayang lima hang­gang 10 na lamang ang hostages ng grupo ni MNLF Commander Habier Malik na nagmamatigas pa ring sumuko.

Umakyat na sa 110 MNLF ang napatay, 89 naman ang su­murender at 129 ang naaresto. Nasa 12 sibil­yan ang nasawi habang 51 ang sugatan.

September 26, 2013 @ 01:53 PM