PAGLIPAT NG SCHOOL CALENDAR, TINUTULAN NG DepEd

Walang nakikitang dahilan ang Department of Education (DepEd) para baguhin ang academic calendar sa elementarya at high school.

Sa harap ng paglilipat ng buwan ng pasukan ng ilang kilalang unibersidad sa bansa, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali na hindi pa napapanahon ang paglilipat ng academic calendar sa basic education.

“We cannot see yet the compelling reason to shift the academic calendar for now. Ang ASEAN calendar po, iba’t iba ang pagbubukas ng basic education.”

“Sa weather naman, tulad ng sabi ng PAGASA, kailangan pa ito ng masusi nilang pag-aaral dahil halos buong taon na ang bagyo,” ani Umali.

Base sa pag-aaral ng DepEd, hindi maaaring ilagay sa summer ang pasukan lalo’t ito’y panahon ng pagsasama-sama ng pamilya.

“Mahirap ding mag-aral pag summer na sobrang init, baka mag-heat exhaustion ang mga estudyante. Based on our survey, most of our regional offices rejected the shift since summer is important for family bonding activities,”

Sang-ayon naman ang Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) kay Umali.

Imbes na baguhin ang school calendar, iminungkahi ni PASUC executive director Dr. Herbert Glenn Reyes na ipatupad ang trimestral system.

Maglalabas naman ng posisyon ang Commission on Higher Education (CHED) sa isyu sa mga susunod na linggo.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

March 6, 2014 @ 09:24 AM