PAGLAGDA SA KABUUAN NG ‘BANGSAMORO PEACE AGREEMENT’ IKINAGALAK NG MALACA√ĎANG

Magkakaroon ng sere­monya sa paglagda sa kabuuang Bangsamoro Peace Agreement matapos na magkasundo ang gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa normalization annex ng kasunduan sa Kuala Lumpur, Malaysia kamakalawa.

Sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr., mahalagang achievement ito ng Aquino government upang magkaroon ng peace agreement sa MILF para sa kapayapaan sa Mindanao.

Aniya, natapos na ang apat na mahahalagang balangkas ng kasunduan tulad ng transitional provision, power sharing, wealth sharing at ang normalization annex.

Matapos ang paglagda ng gobyerno at MILF noong October 2012 para sa framework agreement ay tuluyang nagkasundo ang magkabilang panig kamakalawa.

Isusumite na lamang ang Bangsamoro Basic Law sa Kongreso upang maging batas na ito saka ito ihahain sa masasakupan nito para sa isang plebisito.

Ayon naman kay GRP panel chairperson Miriam Coronel-Ferrer, nabuo ang kasunduang ito dahil sa pagtitiwala ng MILF sa gobyerno ni Pangulong Aquino tungo sa pagbabago.

Sinabi pa ni Ferrer, target nilang maisumite naman ang Bangsamoro Basic Law sa Kongreso sa Mayo upang makapagtatag na ng Bangsamoro entity.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.philstar.com/bansa

January 27, 2014 @ 09:57 AM