PAGDAMI NG CHINESE WORKERS SA BANSA, IIMBESTIGAHAN NG DOLE

Kumilos na ang Department of Labor and Employment (DOLE) para imbestigahan ang ulat hinggil sa pagdami umano ng Chinese nationals na ilegal na nagtatrabaho sa bansa.

Sinabi ni DOLE Secretary Rosalinda Baldoz na hindi katanggap-tanggap ang nasabing ulat na may 3,000 Chinese nationals ang nagtatrabaho sa ilang construction sites sa ilang lalawigan sa bansa.

Sa ulat ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang mga ito umano ay nasa construction sites sa lalawigan ng Bataan at Batangas.

“This is about strictly enforcing the revised rules for the issuance of AEPs, which our regional offices have direct responsibility. If found to have basis, they must act to strictly enforce the rules,” pahayag ni Baldoz.

Sa ilalim ng batas, maaaring parusahan ng DOLE ang mga foreign nationals na nagtatrabaho sa bansa nang walang alien employment permits (AEPs) at pagmultahin ng P10,000 kada taon ng paglabag.

Ang mga dayuhang nais magtrabaho sa bansa ay dapat kumuha ng AEP mula sa DOLE, Bureau of Immigration (BI), at Professional Regulatory Commission (PRC).

Kaugnay nito, batay aniya sa ulat ni DOLE Regional 4-A Director Zenaida Campita, may 13 Chinese workers nga ang nagtatrabaho sa isang malaking construction company sa Batangas nang walang AEP.

Inatasan naman ng DOLE ang nasabing kumpanya na pakuhanin muna ng AEP ang kanilang trabahador na Chinese nationals.

 

NEWS ARTICLE FROM http://www.abante-tonite.com/issue

October 1, 2013 @ 09:23 AM