PAGDADALA NG SUPPLY SA AYUNGIN SHOAL GAMIT ANG CIVILIAN VESSEL, HINDI ISANG PANGHAHAMON

Iginiit ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi paghahamon sa China ang ginawang pagdadala ng supply sa mga sundalong naka-deploy sa Ayungin Shoal.

Sinabi ni Pangulong Aquino, katunayan gumamit ng civilian vessel ang AFP upang hindi lumala ang tensyon at hindi magsilbing babala sa ibang bansa.

Ayon kay Pangulong Aquino, malinaw din sa international law na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas ang Ayungin Shoal kaya ginagawa lamang nito ang tungkulin bilang malaya at may soberen­yang bansa.

Kasabay nito, iginiit ng Pangulong Aquino na sang-ayon sa kanyang sinumpaang tungkulin, ipagtatanggol nito ang soberenya at teritoryo ng Pilipinas.

Pero gagawin ito sa mapayapang paraan at naaayon sa international law kaya idinaan ang proseso sa arbitration.

Nauna rito, muling iginiit ng China na hindi nito kinikilala ang hurisdiksyon ng United Nations (UN) tribunal sa pagresolba sa namamagitang territorial issue sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ginawa ng China ang pahayag, isang araw matapos pormal na maghain ng written pleadings ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS).

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.philstar.com/bansa

April 1, 2014 @ 10:03 AM