PAGBAWAL SA PAG-ANGKAS NG PASLIT SA MOTOR, SUPORTADO NG MOTORCYCLE GROUP

Suportado ng Motorcycle Philippines Federation (MCPF) ang RA 10666 o Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015 na nagbabawal sa pag-angkas ng mga bata sa motorsiklo.

Sa panayam ng DZMM kay MCPF director Arturo Sta. Cruz, sinabi nito na sinasang-ayunan niya ang panukalang ito.

Batay sa nasabing batas na nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Hulyo 21, bawal nang magsakay ng bata sa mga motorcycle sa mga pampublikong kalsada kung saan maraming motorista ang dumadaan, at kung saan higit sa 60 kilometro kada oras ang ipinatutupad na speed limit.

Sinang-ayunan ito ni Sta. Cruz sa pagsasabing ito ay nakatuon sa mga national road kung saan may mga naitalang aksidenteng kabilang ang mga bata.

“Yan ho, ang target ng panukala na ‘yan, dito sa national road, nakikita niyo, ginagamit [ang motorsiklo] na panghatid sa eskwela ng mga bata. Ngayon eh tumaas po yung mga aksidente na yung mga motor, ang angkas yung mga bata,” wika ni Sta. Cruz.

Sinabi pa ni Sta. Cruz, kung magsasakay ng bata sa motorsiklo, dapat ito ay nakasafety gear ang bata, particular na ang pagsuosuot ng helmet alinsunod na rin sa RA 10054 o “Motorcycle Helmet Act of 2009.”

Nakasaad din sa batas na maaaring isakay ang bata sa motorsiklo kung abot ng mga paa nito ang foot peg ng motor, at kung kaya nitong yumakap sa baywang ng nagmamaneho.

Maaari namang isakay ang bata sa motorsiklo kung ito’y nangangailangan ng agarang medical na atensyon.

Giit ni Sta. Cruz, binabantayan ng MCPF ang pagpapatupad ng batas sa kabila ng mga protestang maaaring ihain ng ilang mga sektor.

May naghihintay na P3,000 multa sa unang beses na paglabag sa nasabing batas, P5,000 sa ikalawang paglabag at P10,000 sa ikatlong pagsuway.

Kasabay ng 3rd offense ang isang buwang pagsuspinde sa driver’s license, at automatic revocation naman kung sakaling lalagpas sa ikatlong beses ang paglabag.

 

 

 

SOURCE:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Ban_sa_pag-angkas_ng_paslit%2C_suportado_ng_motorcycle_group.html

August 10, 2015 @ 08:50 PM