OUCH PINOY KASADO NA SA DARATING NA ARAW NG KALAYAAN

Tuloy na tuloy na ngayong Huwebes, Hunyo 12 ang isang kilos-protesta para igiit ang pagpapanagot sa lahat ng isinasangkot sa pork barrel scam.

Sa kanilang pagharap sa “Pasada 630 Sabado” ng DZMM, sinabi nina Denggai Silorio, tagapagsalita ng Scrap Pork Network at Mae Paner na mas kilala bilang “Juana Change” na sadya nilang itinaon sa Araw ng Kalayaan ang protesta.

“Iba-iba ng panawagan ngunit magsasama-sama at magkakaisa sa araw na ito, sa Araw ng Kalayaan dahil gusto nating palayain na ang ating bayan sa kurapsyon,” paliwanag ni Paner.

May temang “Sumagot, Managot Kung Hindi Lagot” ang pagkilos na tinawag na “Ouch Pinoy”.

Idinetalye ni Silorio na bukod sa mga magsasalita sa programa, mayroon ding MTV na mapapanood ang mga dadalo sa pagkilos.

Aminado naman ang dalawa sa unti-unti nang pagkawala ng interes ng ilan sa usapin ng pork barrel scam.

“Mayroong kamalayan na parang imposible na ‘yung pagbabago,” paliwanag ni Paner.

Gayunman, hinimok nila ang publiko na makiisa sa protesta: “Huwag nating iasa lamang sa mga militante… samantalang may magagawa ka naman dahil boses mo rin yun,” paanyaya ni Silorio.

“Ang tunay na nakapagbabago ng mundo, hindi naman marami eh. It’s just a few committed people that [can] change the world,” mensahe pa ni Juana Change.

Katulad ng nakagawian, sinabi ni Paner na muli siyang magsusuot ng costume.

Hindi naman nila makumpirma kung mayroong naimbitahang pulitiko lalo’t pamantayan nila na kailangang tutol sa anumang uri ng pork barrel scam ang sinumang mambabatas.

Magsisimula ang pagkilos alas 3:00 Huwebes ng hapon sa Liwasang Bonifacio, malapit sa Manila City Hall.

Tatagal hanggang alas-10:00 ng gabi ang protesta batay na rin sa ibinigay na permiso ng mga awtoridad.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/%27Ouch_Pinoy%27_anti-pork_protest_sa_June_12%2C_kasado_na.html

June 9, 2014 @ 09:53 AM