ORAS NG TRABAHO, HINDI DAPAT BAGUHIN PARA SA INFRASTRUCTURE PROJECTS AYON SA PCCI

Hindi maaaring sapilitang baguhin ang oras ng trabaho ng mga kumpanya.

Ito ang tugon ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Chairperson Sergio Ortiz Jr. sa gitna ng panukalang flexible work schedule upang makabawas sa napipintong pagsisikip sa daloy ng trapiko dahil sa malakihang infrastructure projects sa Kamaynilaan.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Ortiz na kailangan pang pag-aralan ang panukala lalo’t hindi pa alam ang magiging epekto nito sa mga kompanya.

“Dapat boluntaryo kasi kapag minandate mo yan, malaki ang mawawala sa kumpanya,” ani Ortiz.

“Kailangan, kanya-kanyang diskarte yung time. Alam n’yo ‘yung iba-ibang kumpanya ang kausap ko, sa gobyerno walong oras yung opisina nila, yung mga buyer mo yung mga delivery mo, apektado ba, so titingnan muna ng mga individual company kung anong oras yung mabuti sa kanila,” dagdag pa niya.

Paliwanag ni Ortiz, sakaling baguhin ang oras ng trabaho, magiging mahirap ito lalo na sa mga kumpanyang nakikipagtransaksyon sa isa pang opisina na may iba ring oras ng pasok.

Mungkahi ni Ortiz, dapat personal na pagdesisyunan ng mga kumpanya ang pagbabago ng oras ng trabaho batay sa paraan ng pagbiyahe ng kanilang mga empleyado.

“Halimbawa yung mga tao nila, sumasakay sa LRT, meron naman yung mga may sariling kotse, so hindi mo rin masabi kung ano talaga ang makabubuti. Dapat niyan, kanya-kanyang diskarte,”

Iginiit ni Ortiz na kailangan ding makibahagi ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa paghahanap ng solusyon sa usapin.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

February 18, 2014 @ 10:39 AM