OFWs SA IRAQ, PINALILIKAS NA NG GOBYERNO

Pinayuhan ng Malacañang ang mga OFW na nasa Iraq na mabuting lumikas na ito sa mas ligtas na lugar matapos ipatupad ng Department of Foreign Affairs ang alert level 3.

Ayon kay DFA spokesman Charles Jose, bi­na­bantayang mabuti ng DFA ang sitwasyon sa Iraq matapos magpatupad sila rito ng alert level 3 dahil sa kaguluhan sanhi ng pagkubkob ng militante sa ilang lugar sa Baghdad.

Sinabi naman ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr. na dapat ay kusang lumikas na ang mga Filipino dahil sagot naman ng gobyerno ang repatriation.

Wika pa ni Sec. Coloma, magpapadala ang DFA ng rapid response team sa Iraq para mapabilis ang repatriation ng mga Pinoy na gustong umuwi.

Nasa 900 ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Iraq at karamihan sa mga ito ay nakabase sa Kurdistan region na hindi saklaw ng Level 3 alert.

Sa tala ng Commission on Filipinos Overseas noong 2012, may 6,000 permanente, pansamantala at iregular na manggagawang Pinoy sa Iraq.

 

SOURCE: http://www.philstar.com/bansa/2014/06/16/1335178/ofws-sa-iraq-ilikas

June 16, 2014 @ 07:09 PM