ODD-EVEN SCHEME, HINDI MAKAKATULONG SA TRAPIK

cdbc545a1014f3811c62a7864f45d06b

Binutasan ng dating LTO chairperson ang odd-even traffic scheme na pinag-aaralang ibalik upang mapaluwag ang trapik sa Metro Manila.

Ayon kay Alberto Suansing, kasalukuyang secretary general ng Philippine Global Road Safety Partnership (PGRSP), hindi ang sa pagdami ng mga sasakyan dapat nagpapasakip ng mga lansangan kaya hindi ito ang dapat na sugpuin.

Dugtong ni Suansing, mga embudo sa trapiko na dulot ng hindi tamang pagmando sa trapik ang tunay na nagpapahirap sa mga motorista.

“Ang palaging pinagtutuunang pansin nila, ng mga nagpapatupad o nagma-manage ng traffic sa Metro Manila ay kaya may traffic ay dahil sa volume. Pero tayo, ang sinasabi natin na kaya may volume, dahil sa trapik… May mga sagabal sa daan na nagki-create ng volume, dahil nagkakaroon ng embudo,” paliwanag ni Suansing sa panayam ng DZMM.

Batay sa naunang mungkahi ng MMDA, ang mga sasakyan nagtatapos ang plaka sa 1, 3, 5,7 at 9 ay makapapasada lamang sa EDSA tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes. Makabibiyahe naman ang mga may plakang nagtatapos sa 2, 4, 6, 8 at 0 tuwing Martes, Huwebes at Sabado.

Iginiit ni Suansing na hindi magiging katanggap-tanggap sa mga motorista na ipagbawal ang paggamit sa kanilang mga sasakyan kung mayrooon namang ibang solusyon na maaaring ihain ang pamahalaan.

Anya, “Wala namang masama sa pagsasakripisyo, matagal na tayong nagsasakripisyo. Pero ang hindi ma-take ng ating mga kababayan is nakikita nila na ‘yung mga balakid sa kalsada, ‘yung mga obstruction na pwede naman talagang ayusin kapag mayroon lamang tamang traffic management, e kanilang ‘di na-address.”

Pagtatalaga ng iisang traffic czar

Pinandigan din ni Suansing ang matagal nang posisyon ng kanilang grupo na epektibong traffic management ang susi para matanggal ang mga embudo sa mga pangunahing lansangan.

Para anya magawa ito ay kinakailangang magtalaga ng iisang traffic czar.

Idiniin ni Suansing na kailangang kasama sa mga kwalipkasyon ng naturang opisyal ang kawalan ng ambisyong pulitikal at panananalig ng Pangulo mga bibitiwan nitong rekomendasyon.

“Kasi may mga bagay kang dapat gawin na ang Presidente lang ang pwedeng makagawa ng solusyon dahil political ang ibang usapin diyan e,” wika ni Suansing.

Dapat din anyang kilalanin ng mga lokal na pamahalaan ang itatalagang kapangyarihan sa traffic czar na iaatas ang mga bubuuing polisiya at hindi ipakikiusap ang mga ito.

 

 

SOURCe:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro/Trapik_sa_Metro_Manila%2C_%27di_maiibsan_ng_odd-even_scheme%3A_Suansing.html

August 28, 2015 @ 05:23 PM