NAPOLES, ISINUGOD SA OSPITAL DAHIL SA PANANAKIT NG TIYAN

Dahil sa pananakit ng tiyan kaya isinugod kahapon sa Ospital ng Makati (OsMak) ang tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles habang isinagawa ang pagdinig sa Makati City Regional Trail Court hinggil sa motion nitong magpa-opera sa obaryo.

Isinugod si Napoles sa pagamutan, kasama ang mister at abogado nito, maging ang doktor ng Philippine National Police (PNP).

Matapos ipahayag  ni Judge Elmo Alameda na submitted for resolution na ang motion nang dumaing si Napoles ng pananakit ng kanyang tiyan kaya humiling sa korte na payagan siyang makadaan sa OsMak para magpa-check-up.

Nagkaroon pa ng kalituhan dahil unang inanunsiyo ng tagausig  na sa Philippine National Police (PNP) Hospital sa Camp Crame dadalhin si Napoles, samantalang iginiit ng abogado nitong si Atty Faye Singson na sa OsMak ito dalhin.

Sa huli ay  nilinaw  ng clerk of court ng Makati City RTC, Branch 150 na si  Diosfa Valencia na sa OsMak sa Barangay Pembo isugod si Napoles para sa emergency check-up nito.

Sinabi  ni Valencia,  na wala itong kaugnayan sa motion  nitong pagpapa-opera at napag-usapang ibabalik din ito kaagad sa kanyang kulungan matapos itong suriin.

March 22, 2014 @ 08:16 PM