MMDA NAKATAKDANG MAGSARA NG ILANG U-TURN SLOTS SA METRO MANILA

Nakatakdang isara pansamantala ng MMDA sa mga motorista ang ilang  U-turn slot sa Metro Manila simula sa darating na araw ng Huwebes (Oktubre 10).

Ito’y base na rin umano sa pag-aaral at kahilingan ng local government units (LGUs) bilang bahagi pa rin ng paraan sa pagsasaayos at bilang solusyon sa masikip na daloy ng trapiko.

Ngunit nilinaw naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino, hindi naman lahat ng apektadong U-turn slot ay buong araw isasara dahil may ilan na lalagyan lang ng oras ng pagsasara.

Kabilang sa mga U-turn slots na ito ay ang mga sumusunod:

– C-5 Eastwood U-turn slot na sarado mula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-otso ng gabi;

– C-5 Katipunan-Boni Serrano sarado mula alas-siyete hanggang alas-10:00 ng umaga;

– C-5 malapit sa Caparas sarado mula alas-otso ng gabi hanggang alas-3:59 ng hapon kinabukasan.
Samantala, buong araw namang sarado ang U-turn slot sa pagitan ng Examiner at Scout Borromeo sa may Quezon City.

Kasabay pa rin nito, sinabi ni Tolentino, nakahanda silang magpatupad ng “Zipper Lane” traffic scheme kung kinakailangan upang mabawasan ang masikip na daloy ng trapiko partikular sa mga lugar na may ginagawang reblocking ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

October 7, 2013 @ 11:08 AM