MMDA INTERESADO RIN SA P1M MULTA VS KOLORUM

Tila hindi makukuntento ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maitsa-puwera sa P1 milyong multa kontra kolorum na ipatutupad sa ilalim ng Joint Administrative Order (JAO) ng tatlo pang ahensya ng pamahalaan.

Paliwanag ni MMDA Chairman Francis Tolentino, sa ilalim ng R.A. 7924 na siyang nagtatag ng MMDA ay binigyan ng mandato ang ahensya para manghuli ng kolorum ngunit ito’y may multang P6,000 lamang.
Sa ngayon, tanging ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng superbisyon ng Department of Trade and Industry (DTI), lamang ang awtorisadong magpapatupad ng JAO.
Ngunit ayon pa kay Tolentino, mababa man ang ipinataw nilang multa kontra kolorum, nakakatulong rin umano ito upang mawalis sa lansa­ngan ang mga kolorum, sa katunayan ay mahigit sa 400 kolorum na ang kasalukuyang nasa kanilang impounding area.
Pero nagpahabol si Tolentino ng salitang maaari rin naman nilang gawing P1 milyon ang ipapataw na multa sa mga mahuhuli nilang kolorum tulad ng ipinatutupad ng LTO at LTFRB kung aamyendahan ng Metro Manila Council (MMC) ang kanilang ipinatutupad na regulasyon.
Ang MMC, na binubuo ng Metro Manila mayors, ang policy-ma­king body ng MMDA.
“Puwede namang mangyari ‘yan kung babaguhin po ‘yung MMDA ordinance ng MMC. Kasi po hindi po pwedeng baguhin ng isang ahensya ang patakaran ng isa pang ahensya, so kung babaguhin ng Metro Manila mayors puwede,” ayon pa kay Tolentino.
Kumbinsido ang opis­yal na ang pagtaas ng multa kontra kolorum ay napakalaking tulong upang tuluyang mawalis sa pangunahing lansangan sa Metro Manila ang mga kolorum na isa sa nakakadagdag ng problema ng trapik sa Kamaynilaan.
“Malaking tulong po ang JAO, nakaka-deter talaga ‘yan,” dagdag pa ni Tolentino.

 

Source: http://www.abante.com.ph/news/nat/8293/mmda-interesado-rin-sa-p1m-multa-vs-kolorum.html

June 23, 2014 @ 05:46 AM