MGA OPISYAL NG NAT’L DEFENSE AT ARMED FORCES, SINABON NI SEN. JUAN PONCE ENRILE

Sermon ang inabot ng mga opisyal ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Senate minority leader Juan Ponce Enrile dahil sa kabiguang tumugon agad sa mga biktima ng super typhoon Yolanda.

Sa budget deliberation sa Senado kahapon, sinabi ni Enrile na dapat ang militar ang nangunguna sa relief at rehabilitation efforts sa mga kalamidad dahil bahagi sila ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

“Hindi n’yo pwedeng iasa sa pulis ‘yan dahil affected din sila. Dapat military always one in command,” sermon ni Enrile sa mga opisyal ng AFP na dumalo sa budget deliberation sa Senado.

Sabi pa ni Enrile na Sabado na nang dumating sa Leyte ang mga sundalo gayong tatlong oras lang ang biyahe mula sa kanilang regional command na nasa Catbalogan, Samar.

Pero, ayon kay Defense Secretary Voltaire Gazmin, isang araw bago ang pagtama ni Yolanda, naka-deploy na sa Leyte ang isang brigade ng militar habang ang isang platoon naman ay ipinakalat sa Tacloban City.

Nahirapan lang umano silang agad na tumulong dahil sa matinding epekto ng lakas ng bagyo.
“I’m not trying to justify na walang sundalo. Merong sundalo pero kakaunti. May isang platoon na sundalo,” paliwanag naman ni Gazmin.

“Ang sagot diyan, ‘yung militar doon sa Tacloban ay isang platoon lamang to res­pond to calamities itong disaster. ‘Yung Tacloban earlier way before was declared insurgency free, so hawak na ng police,” dagdag pa nito.

November 21, 2013 @ 12:22 PM